Wednesday, January 7, 2009

Sa Aking Paghihinagpis!


Mahigit isang oras akong mas maaga sa shift ko ngayon. Di ako makatulog kaya minabuti kong magtungo nalang dito sa opis.


Tinungo ko ang c.r., pinipilit kong ngumiti pero sobrang hirap talaga pag sobrang bigat ng dinadala mo.


Andami kong tanong. Bakit ako? Bakit lagi nalang ako? Bakit ba lagi nilang sila ang prinoproblema ko? Pwede bang ako naman ang problemahin nila? Laging sinasabi ng kuya ko na makasarili daw ako, pero bakit ako nasasaktan ng ganito. Ilang beses ko ng iniyakan ang mga kapatid ko pero parang walang hantungan ang dala nilang pasakit saakin. Bakit ba? Bakit ako?

Awang-awa ako kay Mamci nang mapakinggan ko ang boses nya sa telepono. Pinigil ko ang mga luha ko dahil kailangan kong magmukhang matibay para kay Mamci. Natutunan ko yun kay Doidoi na kung may kausap kang umiiyak dapat huwag kang umiyak para may mapaghugutan sila ng lakas.

Tiniis ko ang mahaba at madamdaming usapang yaon na magtunog matapang. Kailangan kong panindigan ang pagiging sandalan ni Mamci sa panahong yaon.

Pagkababa ko ng telepono, agad kong tinungo si Doidoi sa kuwarto. "Ok ka lang?", tanong niya. Saka ko isinalaysay ang pangyayari. Niyakap ako ni Doidoi, galit na galit itong nagbigay ng komento sa sinabi ko. Pinilit kong pigilan ang luha ko ngunit parang tubig sa batis na lumagaslas ang mga ito sa aking mukha. Hinigpitan ko ang kapit ko kay Doidoi. Nais kong maging matapang at matibay ngunit kayhirap. Nanghina ang buong katawan ko.

"Kawawa ka naman", simpatya ni Doidoi pagkatapos ay unti unting tumulo ang luha niya at saka nakipagsabayan sa paghikbi ko. Wari ko'y nararamdaman ni Doidoi ang parang kutsilyong nakaturok sa aking puso ng mga sandaling yun. Mahapdi na nasusumpungan ng bawat hikbi.

Panginoon, tulungan mo akong intindihin ang pangyayaring ito. Turuan mo akong tanggapin ang kapalaran ko. Sanayin mo akong maging matibay at laging handa. Libangin mo ako sa mga kaibigang bumubuklod ng aking pagkatao at higit sa lahat ay unawain mo ang aking munting pagkakamali na dulot ng pait na ito. - End

0 Add A Comment:


Blogspot Template by Isnaini Dot Com