Saturday, November 29, 2008
Si Boi Bakat Sa Q3 Blue Globe Awards!
Mga Itiketa Boi Bakat, Chismis sa Sitel Baguio, q3 blue globe awards
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/29/2008 10:39:00 PM 0 Add A Comment
Ang Aming Kaarawan!
Naging simple lang ang pagdiriwang ng aking kaarawan. Ang balak ko lang sana ay dinner with the family ngunit dahil mapilit si Doidoi, naghanda naman ako ng kaunti. Hindi naman magkakasya lahat ng kaibigan ko sa apartment kaya minabuti kong imbitahin ang mga dati kong kabahay sa Esmena’s Academy at ilang malalapit na kaibigan at kapamilya.
Bago pa pumatak ang alas siyete ng gabi, nalagyan na ni bunso ng disenyo ang sala. Ang boifren niyang si Edon naman ang nagbuhat ng lamesa at mga upuan upang maging maayos ang sala. Dumating si ahenteng negra dala-dala ang cake. Unti-unting napuno ang sala. Handa na ang lahat.
Inawitan ako ng Happy birthday tsaka ko blinow ang cake. Palakpakan. Sinimulan ko ng pasasalamat ang aking birthday speech.
“Salamat sa inyong lahat na dumalo. Sa aking Mamci na walang sawang sumusuporta sa akin, kay Gerang, Bunso at Edon, salamat. At syempre kay Doidoi. Hindi lang birthday ko ang sinicelebrate ngayon, pati birthday ni Lemon, she just turned 3mos old kahapon, at anniversary namin ni Doidoi. Isang taon narin kaming magkasama ni Doidoi at nagpapasalamat akong nanjan sya lagi para sa akin. Ang saya-saya ko at nanjan ka lagi Doi at gusto ko sana ay nanjan ka habambuhay. Salamat. At…… at…..”.
Natigilan ako, umakyat ang lamig sa buong katawan ko. Nauutal ako at nanginginig. Kakaibang kaba ang naramdaman ko. Hindi ko alam kong maibubuka kopang ulit ang aking mga bibig. Ngunit nang makita kong nag-aantay ang lahat sa aking sasabihin, humugot ako ng lakas ng loob sa pamamagitan ng paghinga ng malalim at saka ko itinuloy…
“At…. at nais ko sanang tanungin si Doidoi kung gusto niya akong pakasalan..”, teary-eyed akong iniabot kay Doidoi ang singsing bilang simbolo ng aming engagement. Malakas na hiyawan at palakpakan ang sumunod kong narinig. Lahat nabigla, speechless at teary-eyed. Walang pasintabing inabot ni Doidoi ang singsing at saka sinabing, “Oo naman!”. Saka ako niyakap ng mahigpit. Nasubaybayan ng mga mahal ko sa buhay ang wagas naming pagmamahalan at ninais kong masaksihan nila kung ganu ito kadalisay.
Buong buhay ko, hinangad kong magkaroon ng masayang pamilya pagtanda ko at alam kong mangyayari yon dahil katuwang ko si Doidoi. Si Doidoi na dinayo pa ang Baguio makapiling lang ako. Si Doidoi na pinili ang masayang buhay kasama ko kesa masaganang buhay sa Davao. Si Doidoi na laging nagpapagaan ng loob ko sa tuwing hindi ako inaayunan ng tadhana. Si Doidoi na kasama kong namamaluktot sa maliit na payong sa ulan. Si Doidoi na laging umaakap sa akin sa gitna ng bagyo at unos. Si Doidoi na siyang lahat sa akin ang gusto kong makasama habambuhay.
Napakaligayang kaarawan sa akin. –End
Mga Itiketa Boi Bakat, Doidoi, happy birthday, proposal
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/29/2008 10:25:00 PM 0 Add A Comment
Monday, November 10, 2008
Nang Ako'y Tinangkang Gatasan!
Shinampoo ko ng maigi si Lemon. Nanginginig ito sa ginaw kaya minadali ko nalang.
Binalot ko ito ng twalya. Kiniskis-kiskis hanggang mawala ng tubig sa coat niya. Nangangatal parin ito sa ginaw kaya kinarga ko siya. Hinaplos - haplos ko si Lemon hanggang makatulog ito.
Kinuha ko ang hair brush niya saka ko sinuklay ang kanyang buhok. Nagising ko ata si Lemon sa pagsuklay ko. Itinaas nito ng bahagya ang kanyang ulo. Abot ni Lemon ang kaliwang suso ko. Tinitigan niya ito. walang anu-ano pa'y dinilaan niya ito. Nakiliti ako. Patuloy parin ito sa pagdila. Naisip ko, matutulis na pala ang ngipin niya kaya ibinaba ko na siya kahit nag-eenjoy pako.
Nang mapagod ako, ibinaba ko na si Lemon sa sahig para dun na nya ituloy ang tulog niya. Humiga ako sa sofa. Nakatulog ako.
Nagising ako sa pagdila ni Doidoi sa kaliwang suso ko, Manyakis talaga sya. Naalala ko, yun pala ang suso kong dinila-dilaan ni Lemon bago ako nakatulog. Kaya, para makabawi sa kamanyakan niya, tinagalan ko. Kunwari gustong-gusto ko pa. Nang magsawa siya saka ko sinabi na pareho sila ng taste si Lemon. Masuka-suka siya nang malaman niya.
Buti nga sayo.
-End
Mga Itiketa Boi Bakat, Doidoi, man breastfeeding, pinoy jokes, pinoy stories, Shih tzu, shih tzu bath
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/10/2008 07:11:00 PM 0 Add A Comment
Sunday, November 9, 2008
Sinaunang Pamamaraan!
Sumakit ng husto ang ulo ko sa puyat sa last night ni Tatay at sa pagod sa libing. Dinagsa ang libing, hindi ko maiwasang maging emosyonal, sa dami ng nakiramay at dumalo, hindi maitatagong mabuting tao si tatay.
Pagkatapos ng libing, dumiretso kami sa bahay nila para sa mga ritwal, ang “suob”, kung saan kailangan mong mausukan sa winalis na dumi galling sa bahay nila tatay. Ang “anger”, kung saan kailangan mong isawsaw ang iyong kamay sa pinakuluoang dahon ng bayabas at ipahid sa iyong nuo para hindi sumakit ang ulo mo.
Pagkatapos, dumiretso na kami sa bahay. Natanong ko tuloy si Anti Konching kung anu ang ibig sabihin ng mga yon. Inexplain naman niya. Napagkwentuhan tuloy namin ang buhay nuong unang panahon. Ayon kay Anti Konching simple lang ang buhay nuon.
Sa tuwing magluluto si Inang ng lugaw, tinuping dahon ng saging lamang ang kutsara nila. Aniya’y wala naman sa kutsara ang lasa, nasa lugaw. Gaya ng tao, mas mainam ang nilalaman kesa sa kung anung bumabalot ditong magagarang damit.
Itinuloy niya ang usapan, sa tuwing may sayawan, naghahanap sila ng batong patay, yung puti. Kikiskisin nila ito hanngang lumabas ang pulbong siya ring ipapahid nila. Kukunin ang itinagong crepe paper babasain, gagawing lipstick, eye shadow at blush on. Magsisindi ng posposro at syang gagamiting eye liner. Ngumiti ako. Naisip ko tuloy kung ganu kaswerte ang mga tao ngayon. Ngayon, may fifty pesos ka lang, makakabili ka na ng make up kit sa Bonchic o Divisoria.
Dumating si Ate, narinig niya ang kwentuhan. Ang pilosopong si Ate, nakisawsaw.
“Gusto mo bang makakita ng multo?”, tanong niya. Tumawa ako dahil alam kong joke nnman ito.
“Kunin mo daw ang muta ng aso at ilagay mo sa mutaan mo.”, nandiri ako, humalakhak si Anti Konching at saka itinuloy ang kwento. Sabi niya, yun daw ang sabi ng mga matatanda saka nya dinutungan ito.
Pag may sore eyes, i-catch mo ang ihi mo, saka mo ihilamos. (naku! Hindi ba mas ma-iinfect?)
Ang unang regla, kailangang ibabad sa tubig tsaka ihilamos para hindi magkapimples.(Yuck!)
Ang pasmadong paa, ihian mo, mawawala. (Mawawala nga, magkakaroon ka nman ng alipunga!)
Ang pimples, pahidan mo daw ng tulili mo, gagaling.(Talaga? Matry nga.)
Halos mamatay na ako sa katatawa ngunit ang huling banat ni Anti Konching ang nagpatumba sa akin mula sa upuan dahil sa sakit ng tyan.
Kapag may anghit ka, palihim kang kumuha ng sampalok, ipitin mo sa dalawang kili-kili mo. Maglakad-lakad ka, hanggang walang tao. Kapag siguradong wala ng tao, ihulog mo ang mga inipit na sampalok. May twist. Pag nilingon mo ang mga sampalok, babalik ang anghit mo.
Ukininana ketdi.
-End
Mga Itiketa Boi Bakat, death, funny story, myths, philippine tradition, pinoy stories, sampalok, tamarind
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/09/2008 06:27:00 PM 1 Add A Comment
Thursday, November 6, 2008
Sa Aking Mga Tagasubaybay!
Natutuwa akong malaman na napakarami sa inyo sa iba't ibang lupalop ng mundo ang gustong magbabad sa aking mga pahina upang mapawi ang uhaw na dulot ng pagkabagot at kalungkutan.
Naisipan ko tuloy na gumawa ng chatroom nang sa gayo'y malaya niyong ipahayag ang inyong mga saloobin sa kahit anung bagay na sa tingin niyo'y makapagpapabuti sa kalooban ng mga taong kagaya niyong sumusubaybay sa kahindik-hindik at kakatwang mga istorya sa buhay ko.
Kung mababasa niyo sa aking chatroom, ilang maseselang mga bagay ang nakalagay duon. Mga bagay na pwedeng manakit sa taong tinutukoy niyo at kahit sa mga taong hindi iniibig basahin ang mga salitang nakasaad duon.
Nais kong bigkasin nang sakdal timyas ang aking pakiusap na sana'y tigilan na natin ang paninira sa kapwa tagasubaybay at kung may kasakdal-sakdal mang ginawa ang taong ito sa inyo'y harapin niyo siya ng buong tapang at sabihin ang nilalaman ng inyong natatanging budhi.
Ayokong maging instrumento para makapanakit kayo ng kapwa niyo.
Tatanawin kong malaking utang na loob ang respeto niyo sa hinaing kong ito.
Salamat.
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/06/2008 04:22:00 AM 0 Add A Comment
Monday, November 3, 2008
Ang Pamamaalam ni Tatay Klito!
Hindi ko alam kung panu ko uumpisahan ito. Gulung-gulo pa ang isipan ko ngayon. Hindi ko rin alam kung handa na ako na tanggapin ang mapait na katotohanang ito. Sa totoo lang, umiiyak ako ngayon habang tinatapik ang mga letra sa keyboard ni bumblebee.
Tatay Klito – ang tawag naming magkakapatid sa kanya. Nagsilbing tatay naming magkakapatid magmula nang mangibang bansa si Papci. Ang nag-iisang kapatid ni Mamci sa La Union na tinatakbuhan niya tuwing may problema sya. Ang nagpapadala ng mga isda, alimango, hipon at talaba tuwing mababalitaang uuwi kami ng La Union para magbakasyon o kaya tuwing aakyat ng Baguio para may maiuwi kami. Ang hinahalika’t niyayakap naming magkakapatid sa tuwing namimis namin si Papci. Si tatay, mapagmahal na ama at asawa. Maalalahaning tito. Magiliw na lolo at responsableng mamamayan. Wala na. Iniwan na kaming lahat na nagmamahal sa kanya.
Tatlong araw bago kami umuwi sa La Union para makadalo sa taunang reunion nang ibalita ni Bunso ang pagkaospital ni tatay. Aniya’y pinauwi naraw ng doctor si tatay dahil malala na. Kaawa-awa daw ang hitsura ni tatay habang nakahimlay sa kanyang kama kasama ang mga aparatong nakakabit sa bunganga nya at ilong para mas maginhawa ang kanyang pagkain at paghinga. Tumahimik ako at nag-alay ng dasal para kay tatay. Balisa ako.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Nuong kailann lang ay umabsent ako dahil sa sakit ng ulo at ipinangako ko sa aking boss na di muna ako liliban. Hindi ko naman pwedeng sabihing emergency, dahil nuong kalian lang ay napagusapan namin sampu ng mga managers na matatawag lamang na emergency ang isang leave kung immediate family member ang dahilan ng iyong pagliban. Ayokong isipin niyang nagdadahilan lamang ako. Tutal, tatlong araw nalang naman. Kaya bawat sandaling may pagkakataon, ibinubulong kong sana ay maabutan ko pang buhay si tatay. At bago ako matulog, iniisip ko si tatay. Umiiyak ako dahil kay tatay. Dahil mahal ko si tatay. Sabi ni Mamci, gusting-gusto niya ako.
Sumapit ang araw ng huwebes, pagkatapos naming mabisita ang doctor ni Lemon at mapabakunahan siya, byenahe naming ng halos dalawang oras ang La Union. Pagdating sa bahay, malulungkot na mukha ang aming nadatnan. Dumating na halos lahat ng kapatid ni Tatay. “Magpahinga na kayo’t dadalawin natin si Tatay.”, sambit ni Mamci.
Kasama si Bunso at Doidoi, hinatid kami sa bahay nila tatay. Pagdating duon, niyakap ko muna ang panganay na kapatid ni nila tatay, si Tita Krising. Nakipagbiruan para hindi masyadong emosyonal ang pagharap ko kay tatay. Walang anu-anu pa’y sinenyasan ako ni Mamci na puntahan si tatay. Matatanaw mula sa aking kinatatayuan ko ang kamang hinihimlayan ni tatay. Nilapitan ko si tatay. Kalmado ako.
“Sinu yan?”, bulong ni taytay. “Si Boi Bakat!”, sagot ni Manong Botog, anak ni Tatay na humihilot sa mga palad ni taytay. “Tay, andito na ako.”, tugon ko sa mata nyang nakatitig sa akin. Hinawakan ko ang kanyang kamay. Hinawakan niya rin ng mahigpit ang aking kamay. Sobrang higpit at diko na maigalaw. Unti-unting pumatak ang mga luha ko. Tinignan ako ni tatay. Bakas ang kalungkutan sa mukha niya. Ikinumpas niya ng dalawang beses ang kanang kamay. Tinignan ako ni Manong Botog. “Lumabas ka na daw.”, paliwanag ni Manong Botog sa inasta ni tatay. Pinunas ko ang mga luha ko at saka ako lumabas.
Naiintidihan ko kung bakit ako pinalabas ni tatay. Ayaw niyang makita kong nahihirapan siya sa paghinga, ayaw niyang makita akong malungkot at ayaw niyang makitang naaawa ako sa kanya.
Mag-aalas siyete na nang mapagdesisyunan naming umuwi. Muli, pinuntahan namin si tatay. Inakyat ng tatlong-taong pamangkin kong si Luis ang kama ni tatay para humalik. “Bye Lolo.” Sumunod na humalik si Bunso, “Mauna na kami Tay.”Tsaka ako yumuko at humalik. “Paalam tatay.”, ang sabi ko habang tinitignan ko ang mga mata nyang nakatitig sa akin. Nasa sasakyan na kami pauwi ng bahay ngunit hindi parin naalis sa isipan ko ang titig ni tatay na ewan ko kung may ibig sabihin.
Pagdating sa bahay, naghanda na ng pagkain si Gerang, habang kumakain kami, nagtext ang panganay na anak ni tatay. Pagkaalis daw namin ay hindi nila namalayang hinugot ni tatay ang aparato para sa oxygen at yung aparatong daanan ng pagkain niya at ayaw na niyang ipabalik. Kinabahan kaming lahat. Inapos namin ang pagkain tsaka sumunod si Mamci.
Hindi pa tapos kumain si Mamci nang tumunog ang selfon niya. Nagtinginan kaming lahat. Sinagot nya ito. Tama ang hinala ko. Humagulgol si Mamci at iba pang kapatid nila. Tinakbo ko si Mamci. Pinaupo. Tinungo ko si Tita Konching, kapatid din nila na sa mga oras nay un ay tila nanghihina habang umiiyak. Hinaplos ako ni tita at saka sumambit, “Napakaimportante mo sa tatay mo, inantay ka niya.”. Pagkabitaw ni Tita Konching ang linyang yaon, bigla ako nakaramdam ng lungkot at pagkaulila tsaka ako umiyak na parang baka. Mga limang minuto kaming nagpalitan ng malalakas na pag-iyak bago pa naming tinungo ang bahay ni tatay.
Pagdating naming duo’y nakapalibot kay tatay ang lahat ng taong nagmamahal sa kanya habang umiiyak. Masakit. Kulang ang pagsigaw at pagiyak ko para maibsan ang kirot sa aking puso. Ang swerto ko, inantay ako ni tatay. Nakita ko siyang buhay bago siya namaalam. Nahawakan ko siya’t nahalikan, bago tinungo ang daan patungo sa kabilang buhay.
Sayo Tatay – paalam. Mahal na mahal kita. At hindi matutumbasan ang pagmamahal mo sa aming magkakapatid. Paalam mahal kong tatay. Hanggang sa muli.
-End
Mga Itiketa aringay la union, Boi Bakat, death, sorrow
Ipinost ni dal3pogi bandang 11/03/2008 02:12:00 AM 0 Add A Comment





















